Inaamin kong hindi ako dalubhasa sa kasaysayan. Ang tangi ko lang alam ay mula sa aking natutunan mula sa mga araling aklat na ginamit namin noong elementarya, hayskul at kolehiyo. Higit pa roon, limitado na ang aking kaalaman tungkol sa mga kaganapan noong panahong ang Pilipinas ay sakop pa ng mga dayuhan.

Kamakailan lamang ay ipinalabas sa mga sinehan ang isang pelikula tungkol sa buhay ni Heneral Antonio Luna, ang kinikilalang pinakamagaling na heneral ng bansa noong kapanahunan ng Revolutionary government na pinangungunahan ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng republika.

Ipinakilala sa pelikula si Heneral Luna bilang isang makabayan — mainitin ang ulo, matalino, at kung minsan ay ugaling diktador — galit sa mga nagkakanulo sa Pilipinas para sa sariling interes.

Sa totoo lang, batay sa aking pagkakakaalala, napakaliit na bahagi ng pag aaral sa elementarya ang naituon para sa bayaning ito kumpara kela Gat. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini atbp. at nakakalungkot isipin na daang taon ang lumipas bago lubusang naipakilala sa mga Pilipino ang isang tao na tulad ni Heneral Luna.

Hindi naging madali ang paglalakbay ng pelikulang ito mula sa produksyon hanggang sa pagpapalabas sa mga sinehan. Kung tutuusin, ang paggawa ng pelikulang ito ay tulad din ng sa buhay ng kanyang pangunahing karakter. Mula sa kontrobersyal na materyal, sa kakulangan sa badyet, sa muntik nang pagka pull out sa mga sinehan dahil sa maliit na kita, ang determinasyon ng mga filmmakers at word of mouth advertising na nga lamang ang nagbunsod sa mga sinehan na ipalabas pa ito. Ngayon sa ikatlong linggo, napili pa ito bilang kinatawan sa Oscars sa kategoryang Best Foreign Language Film, isang patunay na nagkaroon ng pagtangkilik ang mga manunuod para sa Obrang ito ni direktor Jerrold Tarog.


Advertisement

Advertisement


Ngayon, bakit kailangang panuorin ng bawat Pilipino ang pelikulang ito? Kaya kong magbigay ng 5 dahilan bilang panimula.

  1. Ito’y naglalarawan ng kabayanihan. Maaaring iba ang pamamaraan at pamamalakad ni Heneral Luna sa hukbong sandatahan ng Pilipinas noong kapanahunan niya, ngunit mula sa unang eksena hanggang sa huli, isinabuhay niya ang pagmamalasakit sa bayan. Hindi lamang si Heneral Luna ang nagpakita ng ganitong katangian, kundi maging ang kanyang mga tauhan at ka-alyado. Ang ibang mga kilalang mga bayani at mga miyembro ng gabinete ay nagpakita rin ng kabayanihan sa iba’t ibang paraan.
  2. Ito’y representasyon ng pagtuloy na pagkaalipin. Noong unang panahon, ang Pilipino ay lumalaban sa mga mananakop. Ipinaglalaban ng mga Pilipino ang pagkakataong maging malaya. Nagbubuwis ng buhay ang pinakamatatapang upang makawala sa pagkaalipin sa ilalim ng mga Kastila, Amerikano at Hapon. Sa panahon ngayon, patuloy ang mga Pilipino sa pagiging alipin — alipin sa pagdakila sa mga gawang banyaga, alipin sa kahirapan, alipin sa mga lider na walang malasakit, at alipin sa kawalan ng kapangyarihan kaya’t mainam na sariwain ang adhikain ng pagkawala sa pang aalipin na ito.
  3. Ito’y repleksyon ng estado ng politika noon at ngayon. Kahit na nangyari ang mga kaganapan sa Heneral Luna isang siglo na ang lumipas, maraming Pilipino ang nasaktan ng mapanuod kung paanong ang isang makabayan na tulad ni Heneral Luna ay ipinagkanulo ng kapwa niya Pilipino — mga politiko na nais makipagkompromiso sa mga Amerikano para sa negosyo. Maging ang mga Amerikano ay nagsabing ito ay isang maling hakbang ng mga Pilipino. Sa panahon ngayon, kung saan kaliwa’t kanan ang mga isyu tungkol sa korapsyon, kung kailan ang mga lider ng bansa mismo ang nasasangkot sa anomalya na may kinalaman sa kaban ng bayan, at kung saan ang mga lider na makabayan tulad ni Heneral Luna ay di nabibigyan ng pagkakataong magsilbi, bagkus, minsan pa ay nilalamon na lamang ng sistema, mainam na mapanuod ng mga Pilipino ang ganitong yugto ng kasaysayan upang di na ito muling maulit pa, lalo’t paparating na ang halalan.
  4. Ito’y isang inspirasyon. Si Joven, isang karakter na nilikha bilang representasyon ng kabataan, at ang kaniyang pagkamulat sa estado ng bansa ang isa sa pinakamahalagang paglalarawan ng pag unawa sa kakayahan ng bawat isa na maging isang bayani. Siya ang representasyon ng mga posibilidad na maaring matamo ng mga kabataan, na dinakila ni Gat. Jose Rizal bilang pag asa ng Inang Bayan.
  5. Ito’y magsisimula ng diskurso. Dahil ang pelikula ay batay sa kasaysayan, maraming mga punto  sa pelikula ang pinagdidiskusyunan ng mga dalubhasa at eksperto sa sining, isang bagay na nagbunsod maging sa mga kabataan ng panibagong interes at pag unawa sa kaysaysayan. Dahil sa mahusay na depiksyon ng kasaysayan sa pelikulang ito, ito ay nagpasimula ng bagong interes sa pag aaral ng Kasaysayan. Nagkaroon ng mga katanungan tungkol sa katotohanan sa likod ng mga kuwento at may mga naintriga na magbasa ng ilan pang aklat ukol sa mga “key players” sa rebolusyon. Lahat ng ito ay mainam para lalo nating makilala ang ating sarili bilang mga Pilipino, upang matugunan natin ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno at upang magamit natin ang mga aral na ito para sa ating hinaharap.

Nakumbinsi ko na ba kayo? Patuloy pang pinapalabas ang Heneral Luna sa mga sinehan sa buong bansa. Sugod na sa pinakamalapit sa inyo. Ang mga estudyante pala ay magtatamo ng 50 percent na diskwento.

Angie Chui

ANGIE used to work for a leading Manila-based daily newspaper until she decided that the academe was a more refreshing environment for her. In her spare time, she enjoys blogging about her travels on www.budjetsetter.wordpress.com and writing about movies and books on www.itswynnesworld.com. Follow her exploits via social media @wynnesworld (twitter), @wynnesworld (Instagram) and Angie Chui on Facebook.