Noong nakaraang linggo, dalawang magkasunod na balita sa TV ang aking napanuod na lubhang bumagabag sa akin.

Ilang kabataan na sangkot sa gulo ang nakunan sa CCTV.

Yung una, inabangan at sinaksak ng kaklase sa labas ng eskwelahan ang kaklaseng diumano ay nakaalitan sa loob ng eskwelahan.

Noong sumunod na araw naman, isang teenager na naka uniporme pa ang nakitang naglalakad sa kalsada at nilapitan sa likod ng isa ding teenager at walang kaabog-abog na pinukpok sa ulo ng bato.

Mabuti na lang at ‘di gaanong malaki ang naging pinsala sa dalawang batang biktima.

Krimen

Ngayon ay nagsisimula nang magpaalam ang aking anak na lumabas kasama ang kanyang mga kaklase.

Gusto niya na rin nyang subukan magbiyahe mag-isa. Alam ko na hindi namin siya mababantayan at mapoprotektahan sa lahat ng pagkakataon.

Sabi ng iba, kailangan lang daw ay matutong maging “street smart” o madiskarte ang mga bata.

Alam naman nating pag madiskarte, mas may pag-asa ka sa buhay pero di pa rin ito garantiya na di ka mabibiktima ng krimen.

Naisip ko lang, noong kabataan ko, kung nag-aaway ang mga bata, nagsusuntukan ang mga lalaki at ang mga babae naman ay nagsasabunutan.

Bakit naman kasi humantong sa nakakabahalang krimen na dapat ay away-bata lang? Kasalanan ba ng gobyerno dahil di nito masugpo ang lumalalang kriminalidad sa bansa?

Nagkulang ba ang mga magulang sa pagbibigay ng pagmamahal at pangaral sa mga bata? Maari din ba nating sisihin ang media dahil sa patuloy nitong pagpapakita ng violence na pinaniniwalaang nakakaimpluwensya sa kabataan?

Magulang tayo at gusto natin ay laging ligtas at nasa maayos na kalagayan ang ating anak.

Ang tanong, ano kaya ang ating magagawa para madala natin sa tuwid na daan ang ating mga kabataan at maprotektahan sila mula sa kahit anong uri ng krimen?

Ilan sa mga kakilala ay ipinasok sa self-defense class ang kanilang anak. Ang iba naman ay pinagdadala ang kanilang mga anak ng pepper spray.

Mukhang lahat naman ay sasang-ayon kung sinabi natin na may problema sa peace and order ang ating bansa. Ang karamihan ay nag-iisip kung ano ang gagawin para di mabiktima ng krimen.

Ngayon na isa na akong Nanay, naaalala ko ang paulit-ulit na paalala noon ng aking mga magulang:”Huwag magpapaabot ng dilim sa kalsada.”

Kung talagang ‘di maiiwasan na gabihin sa pag-uwi, siguraduhin na mayroong makakasabay o kaya naman ay may susundo sa babaan lalo na kung mayroon dadaanan na madilim at ‘di mataong lugar.

Kung dumating ang panahon na kailangan ko na ring paalalahanan ang aking anak na huwag siyang magpapagabi sa kalsada, sana ay maunawaan niya na hindi ito basta paghihigpit.

Sa panahon ngayon, dobleng pag-iingat na ang kailangan.


Advertisement

Advertisement


Chloe Garcera-Ben

Nakapagtrabaho na si CHLOE sa isang major TV network, sa iba’t ibang NGOs pero ang prioiridad pa rin niya ang pagiging isang ina.