Napakaraming uri ng ina sa buong mundo. Araw araw, dugo at pawis ang kanilang puhunan upang ipakita sa atin ang kanilang pagmamahal. Buti na lang may isang araw sa isang taon kung kailan pwede naman nating masuklian ang kanilang pagaaruga at pag aasikaso – isang araw kung saan pwede naman nating ibalik sa kanila ang pagsisilbi at pang unawa na inibibigay nila sa atin sa araw araw.

Maraming salamat sa iba’t ibang uri ng ina saan mang sulok ng mundo. Sa mga Super Nanay na buong araw nag aasikaso ng pangangailan ng kanyang mag anak, gumigising ng maaga para mamalengke, magluto, maglaba, mamlantsa, mag alaga ng mga anak, maglinis ng bahay at kung ano ano pa. Mistulang hindi na nakakakain at nakakatulog ng maayos para magampanan ang mga tungkulin sa bahay, napakahirap ng inyong ginagawa kaya’t kayo ay inspirasyon namin sa pagiging multi tasker extraordinaire.

Mabuhay kayong mga NaTay, ang mga nanay na tumatayong nanay na, tatay pa na ginagawa ang responsibilidad ng pagpapalaki ng kanilang mga anak ng mag isa, sa kung ano pa man ang dahilan. Kahanga hanga ang inyong tatag sa pagharap ng tungkulin bilang magulang lalo pa’t ang karamihan sa inyo ay kumakayod pa para maitawid ang pangangailangan ng inyong pamilya.

Sa mga work at home mom, paano nyo ito nagagawa? Pagsabayin ang paghahanapbuhay at mag alaga ng mga anak habang sila ay patakbo takbo sa paligid, nag iingay at nangungulit? Napakaraming nagsasabing napakawerte ng makapagtrabaho sa bahay pero napakahirap magbalanse ng pagiging nanay at empleyado lalo’t pinagsasabay ito. Ang gagaling ninyo!

Sa mga nanay na Super Poise. Hindi man lang napaghahalataan ang pagod at puyat pero laging postura kahit nagawa na nya ang lahat ng dapat gawin sa buong araw. Ang tipo ng nanay na hindi nagpapahalata ng pagkapagal para sa pag uwi mo, hindi ka mag atubiling lumapit sa kanya para magpaturo ng homework o makipagkwentuhan kung ano ang problema mo sa trabaho. Ibang klase!

Walang katumbas ang sakripisyo ng isang inang nagtatrabaho sa malayong lugar at napapalayo sa pamilya para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mag anak. Ang mga OFW Nanay na nagtitiis sa hirap ng trabaho at pangungulila para lang mapag aral ang kanilang mga anak at mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Sana ay masuklian din natin ang kanilang sakripisyo ng pagmamahal at pagkalinga. Sana ay magantihan ang kanilang paghihirap ng magagandang grado at diploma mula sa kanilang mga anak. Hindi biro ang pinagdadaaanan nila.

Sa mga Nanay na Tropang Tropa, best friend mo na, best friend pa ng buong tropa, laging nalalapitan para magbigay ng payo, lahat tungkol sa buhay mo shine share mo. Maswerte ang mga anak na mayroon nito dahil ibang klaseng paggabay ang dulot ng nanay na kaibigan mo.


Advertisement

Advertisement


Mayroon din namang mga nanay na nagbibigay ng pagkalinga sa kanilang mga anak kahit hindi sila ang mismong nagluwal sa mga ito. Sila ang mga nanay na umaapaw ang pagmamahal sa kanilang mga puso na hindi kailangang maging magkadugo upang magbigay ng pagkalinga. Hindi din batayan ang kasarian para sa mga Pusong Ina na nagbibigay ng pagmamahal ng walang hinihinging kapalit. Tunay silang kahanga hanga.

Sa mga inang tinitiis ang sariling gutom upang makakain ng masarap ang kanilang mga anak, sa mga inang paulit ulit na ginagamit ang luma ang sira sirang damit upang makabili ng bagong polo si mister o mabayaran ang field trip ng mga bata, sa mga inang tahimik na nagsasakripisyo sa mumunting paraan para sa kapakanan ng kanilang mga minamahal, mahal na mahal po namin kayo.

Sa araw na ito, patunayan natin na hindi natin binabale wala ang ginagawa ng ating mga ina sa araw araw. Bigyan natin sila ng isang matinding yakap at halik at ipadama sa kanila ang ating pagmamahal. Kung tutuusin, dapat araw araw ay Happy Mothers’ Day dahil araw araw, para sa ating mga ina, tayo ang kanilang mga superstar.

PS. Sa aking Mommy, na hybrid ng lahat ng tipong nanay na nabanggit ko, Happy Mothers’ Day. Sana sa pagtanda mo ay lalo kong masuklian ang pagmamahal na ibinigay mo sa amin sa buong buhay mo. We love you Ma. Hindi man naming laging nasasabi sa iyo, sana alam mo yan.

Angie Chui

ANGIE used to work for a leading Manila-based daily newspaper until she decided that the academe was a more refreshing environment for her. In her spare time, she enjoys blogging about her travels on www.budjetsetter.wordpress.com and writing about movies and books on www.itswynnesworld.com. Follow her exploits via social media @wynnesworld (twitter), @wynnesworld (Instagram) and Angie Chui on Facebook.